-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasawi sa nagpapatuloy na sagupaan ang isang ustadz o preacher ng umano’y ISIS (Islamic State of Iraq and Syria)-sympathizer group sa engkuwentro ng Philippine Army at Dawlah Islamiyah Group sa Maguindanao.

Kinilala ang mga namatay na sina Ustadz Kamaruh at mga kasama nitong kinilala lamang na sina alyas Samin at Rida na miyembro ng Dawla Islamiyah Karialan Faction.

Napatay din sa bakbakan ang sundalong si Sgt. Irvin Alberastine ng 57th Infantry Battalion.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Western Mindanao Command spokesperson Major Arvin Encinas, nagsilikas na aniya ang mga apektadong pamilya bunsod ng bakbakan.

Batay sa report, papunta ang mga kasama ni Sgt. Alberastine sa area ng Tapuayan matapos nakatanggap ng report ng presensiya ng mga armadong grupo nang tinambangan sila ng Dawla Islamiyah.

Dagdag ni Encinas na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga lawless terror groups partikular na sa kanilang nasasakupan.