-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umaabot sa 300 mag-aaral ang naapektuhan sa pagkasunog ng apat na silid-aralan sa Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP-Maguindanao) tumanggap sila ng tawag sa nasusunog na paaralan sa Brgy Satan, Shariff Aguak, Maguindanao.

Agad na nagresponde ang mga pamatay sunog at inapula ang malaking apoy sa Satan Elementary School.

Malaki na ang apoy ng dumating ang mga bombero kaya natupok na ang apat na silid aralan.

Nanawagan naman si Maguindanao 1 School Division Superintendent Hadja Bai Alibai Benito Aliuden sa lahat ng mga mag-aaral ng Satan Elementary School na pumasok sa kanilang klase.

Kabilang sa tinitingnan nila ang pagkakaroon ng shifting of class sa umaga sa kinder, ang Grade 1 hanggang Grade 3 at sa hapon naman ang Grade 4 hanggang Grade 6.

Samantala, kumalat din ang impormasyon na sadyang sinunog ang apat na classroom ng Satan Elementary School.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP Shariff Aguak sa nangyaring sunog.