Arestado ang apat na magkakamag-anak sa Makati City matapos ma-korner ng pulisya sa buy-bust operation sa Brgy. Pitogo.

Kinilala ang mga naarestong sina Willyboy Asis, magulang nito na sina Willy Asis Jr., at Enrique Mojica, at tiyuhing si Alfredo Asis.

Batay sa ulat, nakatakas ang target ng operasyon na si alyas Pidoy, na panganay na anak ng mga naarestong magulang.

Ayon kay Makati City police chief Col. Rogelio Simon, mismong mga kapitbahay ng mga naaresto ang saksi sa pot sessions ng mag-anak.

Nakuha mula sa mga ito ang 53 sachet ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P23,000.

Kaugnay nito, nangako si Simon na iimbestigahan din ang alegasyon ni Alfredo na tinangayan siya ng P39,000 cash ng mga pulis na humawak ng operasyon.