Kinumpirma ng Department of Human Settlements and Urban Development na naaresto ng mga otoridad ang apat na hinihinalang real estate scammers sa Cavite.
Katuwang ang National Bureau of Investigation ay nahuli ng DHSUD ang mga suspeks sa isang entrapment operation sa Barangay Sucat, Alfonso Cavite.
Kinilala ang mga ito na sina Joana Marie Cruzada at Joana Marie Viray mula Alfonso, Cavite; Felmarich Dagohoy ng Taguig City at Jovannie Cruz ng Angat, Bulacan.
Ayon sa DHSUD, ang mga suspeks ay konektado sa pagbebenta ng mga properties sa Alta Vista kahit wala silang Certificate of Registration at License to Sell mula sa ahensya.
Nagpakilala rin daw ang mga suspek bilang miyembro ng 1Premier Land Marketing Company, di-umano;y marketing arm ng developer ng Alta Vista, subalit napag-alaman na hindi pala rehistrado ang nasabing kumpanya sa DHSUD.
Sinabi ni DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario na ang ikinasang operasyon ay magsisilbing paalala na hindi titigil ang ahensya na protektahan ang publiko mula sa mga scammers.