-- Advertisements --

DAVAO CITY – Matagumpay na nailigtas ang apat na indibidwal habang nasa gitna ang mga ito ng rumaragasang tubig sa ilog sa Davao Oriental.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), naliligo sa Bitan-agan River sa Barangay Don Enrique Lopez, Mati City, ang mga residente na nakilalang sina Liza Castillo, 33-anyos; Cherry Mae Casamiro, 19; Jumaira Lamudok, 11; at Ace Budta, 12.

Ngunit bigla na lamang umanong umapaw ang ilog dahil sa walang tigil na ulan dulot ng localized thunderstorm.

Dahil dito, hindi agad nakaalis ang mga ito sa ilog kaya naabutan ng baha.

Suwerte naman na nakapatong ang mga ito sa natumbang puno ng niyog na una nang binayo sa kasagsagan ng Bagyong Crising.

Ayon kay Shandeo Morales, miyembro ng CDRRMO-Mati, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council at disaster volunteer group na BRACES.

Maliban sa nasabing lugar, apektado rin ng mga pag-ulan ang Pantukan sa Davao de Oro, Davao del Sur at ilang lugar ng Davao City.

Una na ring naitala ang landslide sa Paquibato district ngunit agad na nagsagawa ng clearing operation para hindi maapektuhan ang daloy ng mga sasakyan.