-- Advertisements --

Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kabuuang 4,402 pulis sa nakatakdang pagbubukas ng School Year 2026-2027.

Ayon kay NCRPO Public Information Office (PIO) chief, Police Major Hazel Asilo, idedeploy ang mga ito sa iba’t-ibang mga paaralan sa buong capital region upang tumulong sa pagpapanatili ng kaaayusan at magbantay sa seguridad.

Karamihan sa kanila ay magbabantay sa labas ng mga paaralan habang ang iba ay magbabantay sa mga Police Assistance Desks at tutulong din sa daloy ng trapiko.

Batay sa record ng NCRPO, inaasahan muli ang pagdagsa ng mga magulang at mga estudyante sa ilang malalaking lugar na siyang pangunahing babantayan ng kapulisan.

Kinabibilangan ito ng Caloocan, Malabon at Navotas, mga lugar na saklaw ng Northern Police District. Sa mga naturang lugar ay mayroong hanggang 291 na paaralan ang kailangan nilang bantayan.

Siniguro naman ng NCRPO ang kahandaan nitong magdeploy ng karagdagang miyembro ng pulisya kung kinakailangan.