-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ni Lapu-lapu City Mayor Junard Ahong Chan na tutulong ang pamahalaang lungsod ng Lapu-lapu para makamit ang hustisya ng hindi bababa sa apat na indibidwal na umano’y biktima ng investment scam.

Una rito, humingi ng tulong ang mga biktima sa alkalde matapos nasa 4.5 Million pesos ang tinangay ng isang investment scammer na naninirahan sa Brgy. Maribago mula sa apat na complainant.

Nagpakilalang pa umanong dating empleyado ng pamahalaang lungsod ang scammer at inakit ang mga ito na doblehin ang kanilang pera.

Naglabas pa ng P150,000 ang unang biktima at pagkatapos ng isang buwan ay naibalik naman ang pera na naging P300,000. Naulit ito ng tatlong beses at ang pinakahuli ay nanghingi ng P3 million pesos ang scammer at pinangakuan na ibabalik ito sa halagang P40 million pesos. Ngunit hindi na ito nangyari dahil hindi na ito nagpakita pa.

Magkatulad din ang kuwento ng natitirang biktima ngunit gumagamit ng iba’t ibang istilo gaya ng pamumuhunan sa sasakyan, bigas at iba pa.

Inihayag pa ni Chan na marapat lang umanong mahuli ang investment scammer sa lalong madaling panahon dahil nakasisira lang ito sa imahe ng lungsod at para maiwasan ang kaparehong insidente.

Patuloy pang nakatanggap ito ng mga tawag mula sa mga naging biktima din ng scam kabilang ang mga pari.

Sinabi pa ng opisyal na pangalawang beses na umano itong nangyari ngayong buwan sa kanilang lungsod kung saan ang una ay naipakulong nila ang isang indibidwal na nanghingi ng P6,000 na bayad para sa drivers license na kalaunan ay natuklasang peke.