BAGUIO CITY – Karagdagang apat na mga health workers ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) na isang subnational lab center for Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng Department of Health-Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) ang nagpositibo sa virus.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang mga ito ay binubuo ng dalawang doktor, isang nurse at isang hospital clerk.
Aniya, residente ang mga ito ng Woodsgate Subdivisio sa Camp 7, Santos Tomas Proper at ng BGH Compound.
Naka-confine na aniya ang apat sa BGHMC at kasalukuyang nasa stable condition.
Sinabi ng alkalde na bilang containment measure ay ipag-uutos niya ang pag-lockdown sa mga nasabing barangay at subdivision.
Ayon naman kay BGHMC Medical Chief Dr. Ricardo Ruñez, sinimulan na nila ang mga kinakailangang hakbang para ma-trace lahat ng naging close contacts ng mga nasabing health workers habang ihinahanda din nila ang mga staff ng ospital para sa COVID-19 test.
Sisimulan aniya ang pag-disinfect sa mga wards ng BGHMC habang napagsabihan na sila sa temporaryong paghinto sa admissions at nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga ospital ukol sa ibang admission bagaman magpapatuloy ang pagsasagawa ng BGHMC ng triage.
Unang nagpositibo sa COVID-19 ang apat ding heath workers ng Baguio kasama ang isang doktor at dalawang nurses ng BGHMC ngunit nakarekober na ang dalawa habang patuloy na naka-confine sa nasabing ospital ang dalawang nurse.
Sa kabuuan, 22 ang naitala ng Baguio City na mga nagpositibo sa COVID-19.