-- Advertisements --

Umabot sa 39 katao ang nasawi, kabilang ang ilang bata, habang mahigit 50 ang nasugatan sa isang stampede sa campaign rally ng Tamil actor at politiko na si Vijay sa estado ng Tamil Nadu noong Sabado.

Ayon sa pulisya, nagsampa na sila ng kasong kriminal laban sa mga matataas na opisyal ng partido ni Vijay, ang Tamilaga Vettri Kazhagam (TVK), kabilang sina Bussy Anand, Nirmal Kumar, at V.P. Mathiyalagan.

Iniulat na humiling lamang ng 10,000 katao ang partido, ngunit higit 20,000 ang dumagsa sa rally sa Karur district.

Sa isang pahayag, sinabi ni Vijay na siya ay labis na nakikisimpatsya sa trahedya at nangakong magbibigay ng tulong sa mga pamilyang naulila.

Hiniling naman ni Tamil Nadu Chief Minister M.K. Stalin ang 1 million rupees (P650,000) na compensation para sa bawat pamilyang namatayan.

Gayundin ang pagatatalaga ng isang komisyon na pamumunuan ng retiradong justice upang imbestigahan ang insidente.

Nabatid na ang rally ay bahagi ng paghahanda ni Vijay para sa halalan sa susunod na taon, kung saan hahamunin ng kanyang partido ang DMK at ang partido ni Modi na Bharatiya Janata Party (BJP).