Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na naka-angkla sa resulta ng mga pag-aaral ang kanilang ipinatupad na bagong polisiya sa pagtukoy ng recoveries sa COVID-19.
Pahayag pa rin ito ng ahensya sa gitna ng mga tanong ukol sa higit 37,000 bagong recoveries na kanilang iniulat nitong Huwebes ng gabi.
“This is based on evidence, scientific evidence and experts across the globe are already backing this up. It’s now being implemented in different countries,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ni Usec. Vergeire, inasahan na talaga nila ang malaking bilang ng recoveries dahil 90% ng COVID-19 cases sa bansa ay mild at asymptomatic.
Sa ilalim ng isang DOH memorandum noong Mayo, hindi na kailangan ng panibagong negative test result ng confirmed cases para madeklara silang recovery.
Maaari nang ideklara na recovery ang asymptomatic patients kung wala silang naramdamang sintomas sa loob ng 14-araw mula nang sila ay sumailalim sa confirmatory test.
Ang mga mild naman, tatawagin lang silang recovery kung mabibigyan na sila ng clearance ng doktor matapos ang 14-day isolation.
“Iyong clinically recovered, meaning wala ka ng sintomas tulad ng lagnat. Kung sa ika-10th day iyong clinical recovery, you have to be in isolation for another four days to be tagged as recovered.”
“We have to believe the experts kasi kung ‘di tayo maniniwala, saan pa tayo maniniwala? Ano na ang pagbabasehan natin ng siyensiya?”
Isa daw sa nakikitang problema ng ahensya sa reporting ng recoveries ay ang mabagal o minsan ay bigong pagu-update ng reporting units sa mga confirmed case na nagpagaling sa kanilang bahay.
“Marami pa rin sa reporting units natin, especially iyong sa local governments, hindi na nila inuupdate ‘yung kanilang CIF for the outcomes of the patient. Halimbawa, the patient was identified positive na July 1. Pagdating ng July 14, aantayin namin dapat na nakatag na siya as recovered because that is the outcome of the case. But most often than not, hindi nila nagagawa.”
“Ito talaga ang nakapag-lead sa pagkaipon ng mild and asymptomatic na wala silang outcomes at all. Lahat na nakikita natin ay from June 1.”










