-- Advertisements --

Inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) na wala nang senyales ng buhay ang 36 kataong nananatiling nawawala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8, 2026.

Sa isang press briefing, sinabi ni OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na batay sa ulat ng mga awtoridad, malabo nang makitang buhay pa ang mga nawawala.

“Meron tayong isang barangay, Patulang, na 10 reported doon. And I think… seven doon ay isang household na natabunan ng landslide,” ani Alejandro.

Ayon sa OCD, karamihan sa mga nawawala ay pinaniniwalaang natabunan ng landslide sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, isa sa mga lugar na grabeng tinamaan ng lindol.

Patuloy pa rin ang search, rescue, at retrieval operations, ngunit aminado ang mga awtoridad na mahirap ang kondisyon sa lugar dahil sa mga pagguho ng lupa at delikadong terrain.

Samantala, pumalo na sa 65 ang kumpirmadong nasawi sa naturang sakuna matapos marekober ang karagdagang apat na bangkay sa mga gumuhong istruktura.

Ayon kay Alejandro, karamihan sa mga fatalities ay dahil sa nagbagsakang debris at landslide, partikular sa Davao Occidental, Sarangani, at General Santos City sa South Cotabato.

Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 176,186 pamilya o humigit-kumulang 738,386 indibidwal ang naapektuhan ng lindol.

Sa bilang na ito, 3,180 pamilya o 14,161 katao ang kasalukuyang nananatili sa 37 evacuation centers, habang ang iba ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.