-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad sa Santiago City.

Pinangunahan ni PMaj. Andy Orilla, Chief Intelligence Unit ng Santiago City Police Office (SCPO) ang buy-bust operation kasama ang mga tauhan ng Central Intelligence Unit ng Presinto Uno, Station Drug Enforcement Unit ng Presinto Dos at PDEA Region 2.

Kinilala ang suspek na si alyas Dan, 36-anyos at residente ng Sinsayon, Santiago City.

Nahuli ng mga otoridad ang pinaghihinalaan matapos niyang bentahan ang isang pulis ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,500.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romel Cancejo, Station Commander ng Presinto Dos sinabi niya na malaki ang ginampanang papel ng komunidad sa pagkakadakip ng suspek.

May koneksyon umano ang pinaghihinalaan sa isang drug personality sa Mentro Manila at sa kanya ibinabagsak ang mga iligal na gamot at saka ibinibenta sa lunsod.

Matagal na rin umano nilang minanmanan ang suspek mula nang makatanggap sila ng sumbong ukol sa kanya.

Inaalam na rin ng pulisya kung miyembro ang pinaghihinalaan ng mas malaki pang grupo.

Sa kabila nito ay hindi pa rin naman umano masasabi na lumalaki na ang problema ng droga sa lunsod ng Santiago dahil ito pa lamang ang unang beses na may nahuli silang drug personality sa loob ng dalawang buwan.

Nakiusap si PMaj. Cancejo sa mga mamamayan na isumbong sa kanila kung may nakikita silang mga kahina-hinalang indibidwal sa kanilang lugar.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).