DAVAO CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang 40-anyos na lalaki matapos na plano nitong ipasok sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-11 ang mga pakete ng illegal na druga na kanyang hinalo sa dala nitong ulam at siling labuyo.
Naaresto si Richard Caybot, residente ng Calinan, Davao City nang sumailalim siya sa inspection ng mga kawani ng Davao City Jail- Male Dormitory.
Napansin ng mga awtoridad ang nakahalo sa dalang pagkain ni Caybot at natuklasan nang kanila itong silipin na ito pala ay iligal na droga.
Inihalo ni Caybot sa dala nitong ulam ang 25 sachet ng shabu at 10 sachet pa na inihalo naman sa dala niyang sling labuyo.
Sinasabing tumitimbang ng 16 grams ang nakumpiskang iligal na droga mula sa suspect, na mayroong kabuuang street value na P256,000.
Nilipat na ngayon sa kustodiya ng Talomo PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw.
Tiniyak naman ni JSupt. Peter Bongngat Jr., warden ng Davao City Jail – Male Dormitory, na hihigpitan pa nila ang isasagawang clearing operations sa loob at labas ng bilanggoan sa tulong ng PNP-EOD unit.
Ipagpapatuloy rin umano nila ang mas mahigpit na protocols sa lahat ng bilanggoan sa rehiyon lalo na at hindi lamang ito ang unang beses na may planong magpalusot ng illegal na druga sa loob ng pasilidad.










