Hinihintay pa sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Marikina ang resulta ng RT-PCR test ng 34 evacuees na sumailalim sa rapid tests para sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, isinailalim sa rapid testing ang mga evacuees na lumikas noong manalasa ang Bagyong Ulysses na nagdulot ng matinding pagbaha sa kanilang lungsod.
Ang 34 evacuees na ito ay nakitaan aniya ng infection kaya isinailalim sa RT-PCR test kahapon, matapos namang inanunsyo ang pagpositibo ng isang 68-anyos na lalaking nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Teodoro na 13 evacuees na nakahalubilo ng COVID-19 patient ang natukoy ng kanilang contact tracing team.
Samantala, bukod sa COVID-19, binabantayan din nina Teodoro ang iba pang sakit na maaring makuha ng mga residente ng lungsod.
Kaya naman ipinag-utos na niya ang pagbili ng mga gamot, kabilang na ang doxycycline capsules para maiwasan ang pagkalat ng leptospirosis.










