Pumalo sa kabuuang 32 driving schools mula sa Central Luzon at Metro Manila ang sinuspinde ng Land Transportation Office ng anim na buwan at pinagmumulta ng isang milyong piso.
Ito ay dahil sa kanilang pagkakasangkot sa iba’t-ibang maanumalyang transaksyon na may kaugnayan sa pag-isyu ng theoretical at practical driving course certificates.
Sa Central Luzon, aabot sa 17 driving schools ang pinatawan ng suspensyon kabilang ang nasa pitong driving instructors nito.
Ayon kay LTO regional director Ronnie Montejo, ang ilan sa mga driving schools sa Central Luzon ay isinailalim sa preventive suspension dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Aniya, patuloy ang kanilang pagsasagawa ng regular audits, inspections, at validation upang matiyak na ang lahat ng kanilang accredited driving schools at medical clinics ay sumusunod sa mga panuntunan ng ahensya.
Mahalaga rin aniya na tumatalima ito sa pagpapatupad ng mataas na kalidad ng integrity at public trust.
Dito naman sa bahagi ng Metro Manila ay aabot sa 15 driving schools ang sinuspinde dahil sa parehong paglabag.
Ayon kay LTO regional director Roque Verzosa III, kabilang sa mga pinatawan ng parusa ay 17 motor vehicle dealers at importers at apat na medical clinics .
Ang hakbang aniya na ito ng ahensya ay upang masiguro na mayroong accountability, compliance, at integrity ang kanilang mga accredited stakeholders.