-- Advertisements --

May “go signal” na umano sa Department of Tourism (DOT) ang mga hotel restaurants para sa partial dine-in operations simula bukas, June 15.

Batay sa impormasyon, pumayag na ang DOT pero sa kondisyon na 30% seating capacity muna sa mga dine-in customers at sa mga lugar lamang na nasa general community quarantine.

Magsasagawa rin daw ng inspeksyon ang DOT sa ilang establishments upang mamonitor kung sumusunod ang mga ito sa health protocols and guidelines.

Una nang pinayagan ang pagbabalik ng dine-in sa mga restawran o mga karinderia simula rin bukas.

Sa panayam ng Bombo Radyo nitong June 11, sinabi ni Trade Sec. Mon Lopez na ito ang napagkasunduan nila sa meeting ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases.

Ayon kay Sec. Lopez, magiging limitado lamang sa 30 porsyento ng mga karaniwang kustomer ang papayagang kakain sa loob ng isang restawran kompara sa 50% sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ).

Inihayag ni Sec. Lopez na noong isang linggo pa sila nagbigay ng health protocols at guidelines sa mga restawran para makapaghanda bago muling magbubukas o papayagan ang dine-in.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng 1.5 metro na pagitan ng mga mesa, paglalagay ng acrylic o glass dividers sa mga customer, cashless o no-contact payment, pagpapanatili sa kalinisan ng mga staff at customers sa pamamagitan ng mga handwashing at sanitation area.