-- Advertisements --

Makakaranas ng 3 oras na power interruption sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Nobyembre 29 bunsod na rin ng isasagawang electrical maintenance activities.

Magsisimula ang scheduled outage mula midnight hanggang 3am ayon sa Manila International Airport Authority.

Sasailalim din ang NAIA Terminal 3 sa segmented power-related maintenace work hanggang Disyembre 13.

Kabilang sa isasagawang maintenance work sa electrical system ng nasabing paliparan ay ang upgrading ng power cables, pagpapalit ng medium voltage circuit breakers, relays at pagsasaayos ng protection settings.

Mananatili naman aniyang fully operational ang lahat ng critical system gaya ng check-in counters, immigration booths, security scanners, boarding bridges, conveyor belts, at iba pang mahahalagang lugar.

Ang electrical maintenance activities ay isasagawa para maiwasang mangyari ulit ang aberya noong bagong taon kung saan libu-libong mga pasahero ang naapektuhan matapos na makaranas ng technical issues ang Air Traffic management center ng NAIA na nagpabagsak sa airspace ng bansa.