-- Advertisements --

Tatlong Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia, nanawagan ng tulong sa Pamahalaan ng Pilipinas na makauwi na ng bansa
Unread post by bombodagupan » Wed Nov 08, 2023 2:34 pm

BOMBO DAGUPAN – Nananawagan ng tulong ang tatlong Overseas Filipino Workers sa bansang Saudi Arabia sa pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Bombo Radyo Dagupan na tulungan ang mga itong makauwi dahil sa nararanasang pang-aabuso mula sa kamay ng kanilang mga amo.

Umalis sa mga puder ng kani-kanilang employers ang tatlong OFW at kasalukuyang nasa kanilang agency.

Isinalaysay ni Yolanda, domestic helper, ang kaniyang mga karanasan kung saan sobra sobra umano siyang pinahihirapan ng kaniyang amo sa pamamagitan ng pagpapaulit-ulit dito ng mga gawaing bahay.

Ayon naman kay Bertlyn Manlangit, isa ring Domestic Helper, ikinukulong at hindi umano siya pinapakain ng maayos ng kaniyang amo.

Sa isang buwan at 13 araw nito sa puder ng kaniyang employer puro kanin, asin at kape lang aniya ang kaniyang kinakain.

Isang beses umano nang subukan niyang magluto ng manok dahil sa sobrang kagutuman, pinagalitan aniya siya ng kaniyang amo dahil nagtitipid aniya ang mga ito gawa ng wala na silang pera.

Dahil dito, ilang beses na aniya siyang nanawagan sa kaniyang agency sa Pilipinas ngunit pinapayuhan lamang aniya siyang magtiis lamang baka sakaling magbago pa ang ugali ng kaniyang amo.

Ngunit hindi na aniya matiis ang nararanasang hirap kaya’t umalis na ito sa kaniyang amo at nagtungo sa kaniyang agency.

Nais pa sana aniyang magpalipat ng employer ngunit mas nais na lamang umano nitong umuwi na lamang ng Pilipinas.