-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hinukay ng mga awtoridad ang buto ng tatlong missing persons kasama ang isang sundalo at isang retired police officer sa dalawang mababaw lang na libingan sa Kitaotao, Bukidnon eksaktong dalawang taon matapos na silang maiulat na tinangay ng mga rebelde.

Kinilala ni Lt. Col. Silas Trasmontero, commander ng 89th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga biktima na sila Sgt. Reynante Havana Espana, 42, na taga San Francisco Agusan del Sur at na-assigned sa Surigao del Sur; Joel Rey Galendez, 43, isang retired police officer ng Bunawan Agusan del Sur; at Dionisio Camarillo Havana alyas Dondon, 37, na taga Sto. Nino, Carmen, Davao del Norte at isang tribal datu ng Agusan del Sur.

Napag-alamang noong Aug. 22, 2017 ng maiulat na missing ang tatlo matapos itong tangayin ng mga myembro ng New People’s Army (NPA) habang nilalatas ang isang road blockade sa Sitio Nabunturan, Barangay Digonga, Kitaotao, Bukidnon.

Isinagawa ang nasabing paghuhukay matapos, magbigay ng tip ang isang bagong suko na rebelde.