-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sasampahan na ng kaso ang tatlong miyembro ng budol-budol gang na naaresto ng pulisya.

Kinilala ang mga naaresto na sina Manny Diaz, taga-Dasmarinas, Cavite; Ricardo Villaro, taga-Tondo, Manila at Brenda Castigador, taga-M’lang, North Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City Police, modus na ng suspek na magpakilala bilang foreigner sa pambibiktima.

Karaniwang pinupugaran daw ng mga ito ang malls at mga indibdwal na may alahas.

Batay sa ulat, isang babae ang nabiktima ng tatlo matapos umanong pangakuan ng pera.

Pero bag na puno ng papel lang daw ang binigay sa kanya.

Inamin ni Siason na tinangka pa siyang suhulan ng P200,000 ng tatlo para makalaya.

Dahil dito tiyak na dagdag kaso raw ang kakaharapin ng mga ito.

Hinimok naman ng opisyal ang iba pang nabiktima ng mga suspek na magsumbong at magsampa ng kaso laban sa mga ito.