CENTRAL MINDANAO-Nagsilikas ang mga sibilyan sa engkwentro ng militar at mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Mamasapano Chief of Police Major Maximino Gerodias Jr na inatake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang Patrol Base ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Tukanalipao Mamasapano Maguindanao.
Dahil sa tindi ng putukan ay nagsilikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.
Tumagal ng anim na oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig.
Umatras ang mga terorista nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit ang 81 mm mortar.
Walang nasugatan sa mga sundalo habang tatlo umano ang nasawi sa BIFF na kinomperma ng mga bakwit.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng militar laban sa BIFF sa Mamasapano Maguindanao.