BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang tatlong batang naliligo sa ulan matapos malunod sa isang bubon sa bayan ng MalasiquI sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PCapt. Maureen Grace A. Tarlit, Deputy Chief of Police sa Malasiqui PS , nagkayayaan ang 5 batang magpipinsan na maligo sa ulan sa barangay Cabatling partikular na sa may parte ng construction site.
Lumalabas sa imbistigasyon na may open area sa construction site kung saan naroon ang bubon na may lalim na 5ft.
Ayon sa pagsasalarawan ng kasamahan ng mga bata, naunang naligo ang kanilang 3 pinsan sa may parteng malapit sa bubon kung saan nalunod ang mga ito.
Agad namang tumawag ng tulong ang dalawa at nadala pa naman ang mga ito sa hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Napag-alaman na magkapatid ang dalawang nasawi, na nasa edad 7 at 9.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang isinasagawang imbistagsyon ng mga otoridad kung may mga nalabag o pananagutan ang may-ari ng construction sa naturang insidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang hanay ng kapulisan sa mga kinauukulan partikular na sa mga barangay officials sa naturang barangay nang sa gayon ay mabigyan ng agarang aksyon ang nangyaring insidente at hindi na muling maulit pa.
Paalala naman ng opisyal sa mga residente lalo na sa mga magulang, na bantayan ang mga mga anak at mag-doble ingat. Huwag na rin aniyang maligo sa ulan lalo na kung malakas ang buhos nito at may bagyo.