Kinumpirma ng Department of Veterinary Medicine and Fisheries na ‘cleared’ na at na ‘contained’ ang tatlong barangay nitong lungsod ng Cebu mula sa African Swine Fever (ASF).
Kabilang pa sa mga lugar na ito ay ang Brgy. Tisa, Brgy. Budlaan at Brgy. Bulacao.
Gayunpaman, ibinunyag ni Dr. Jessica Maribojoc, pinuno ng DVMF, na isang barangay sa lungsod ang natukoy na apektado ng ASF dahil sa baboy umano na dinala dito na mula sa lugar na infected ng nasabing sakit.
Sinabi pa ni Maribojoc na simula noong Marso, aabot na sa 21 baboy ang isinailalim sa culling habang 35 ang namatay mula sa mga infected areas ng lungsod.
Patuloy naman umano ang kanilang isinagawang disease surveillance at disease investigation para suriin ang mga lugar dito kung talagang negatibo sa ASF at upang i-upgrade ang status ng lungsod mula sa kasalukuyang infected zone.
Samantala, ibinunyag pa nito na tumaas ang supply at bumaba pa ang presyo ng baboy sa lungsod dahil pinagbawalan itong dalhin at hindi tinanggap sa ibang mga lugar.
Idinagdag pa ng city veterinarian na posibleng papayagan nilang makapasok nitong lungsod ang mga baboy mula sa tatlong munisipalidad lamang ng Negros Oriental at patuloy pa aniya silang nakikipag-ugnayan sa provincial veterinary office ng lalawigan.