CAUAYAN CITY- Bangkay na ng matagpuan ang 3-taong gulang na bata matapos aksidenteng mahulog sa irigasyong nasasakupan ng barangay Maligaya, Echague, Isabela

Ang biktima ay si Princess Ziona Tomas, 3 anyos at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Zenaida Tomas, sinabi niya na galing sila sa Nagbukel, San Isidro,Isabela upang kunin ang padala ng ina ng bata subalit ng sila ay umuwi ay hindi umano nito namalayan na nagtungo ang apo sa gilid ng irrigation canal upang hugasan ang sapatos nito.

Aniya nagtungo lamang siya upang hatiin ang tsokolate na ipapakain sana sa kanyang apo subalit labis umano niyang ikinabahala na hindi niya ito mahagilap.

Dahil sa pangyayari agad siyang humingi ng tulong sa PNP Echague upang hanapin ang kanyang apo subalit natagpuan ang bangkay nito sa irigasyon na bahagi ng Barangay Buneg, Echague, Isabela.