Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng panibagong 2,619 na mga bagong dinapuan ng coronavirus infections.
Ito na ang pinakamataas na nadagdag sa nakalipas na anim na araw para tumaas ang bilang ng mga pasyente sa buong bansa sa 26,363.
Lumalabas din sa datos ng DOH na umaabot lamang sa 1,074 ang mga bagong nakarekober na siyang pinakamababa sa loob ng dalawang linggo.
Ang Metro Manila pa rin ang nananatiling rehiyon na may highest number ng bagong kaso sa nakalipas na 14 na araw na may 10,000, sinusundan ng Region IV-A na may 3,800, ang Region III na may dagdag na 2,299, Region XI may 1,251, at Region VI may 1,017 COVID cases sa loob ng dalawang linggo.
Pagdating naman sa mga siyudad at provinces, ang Quezon City ang may highest number ng mga bagong nahawa ng COVID-19 infections sa nakalipas na 14 na araw na may 2,206.
Sinusundan ito ng City of Manila na may 1,476 cases, Cavite may 1,261, Rizal may 1,155, at ang Bulacan na may dagdag na 981.
Samantala ang bed occupancy rate ay nasa 26.8% o katumbas ng 7,780 beds ang occupied.
Una rito inamin ni DOH officer-in-charge at Undersecretary Maria Rosario Vergiere na balik na ang Metro Manila sa “moderate risk” dahil sa naobserbahan nilang pagtaas ng infections.
Kabilang sa mga nasa risk level ay ang 11 mula sa 17 local government units ng NCR.
Ito ay matapos na umabot ang Metro Manila sa 16.4% ang positivity rate.
Ang tinatawag na positivity rate, ito ang porsyento ng mga taong infected sa bilang ng mga sumailalim sa pagsusuri o tests.
Batay kasi sa panuntunan ng World Health Organization dapat nasa below 5% lamang ang bilang sa isang lugar para masabing ang virus ay under control.