
Sa gitna ng 4.5% na unemployment rate sa bansa noong Hunyo, mayroong 204,000 na permanenteng posisyon ang nananatiling bakante sa mga ahensya ng gobyerno.
Ito ang kinumpirma ni Civil Service Commission (CSC) Chairman Karlo Nograles sa kaniyang pagdepensa sa P2.06 billion na panukalang pondo ng ahensiya para sa susunod na taon sa House committee on appropriations.
Ayon sa CSC chairman na ang bilang ng mga bakanteng trabaho base sa datos noong Hunyo 30 ng kasalukuyang taon ay nasa 204,054.
Ang mga bakanteng posisyon ay sa mga ahensya ng gobyerno, government-owned and controlled corporations, state universities and colleges, local water districts at local government units.
Kinuwestyon naman ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma si CSC chairman Nograles ang mahigit 200,000 hindi pa napupunang mga posisyon sa mismong mga ahensya ng gobyerno gayong maraming mga Pilipino ang walang trabaho.
Depensa naman ni Nograles na nasa pagpapasya na ng heads ng mga ahensya ang pag-hire sa kanilang sariling personnel at mayroon din aniyang mga proseso na kailangang sundin kapag nagre-recruit ng mga manggagawa sa gobyerno gaya ng publications, qualifications at civil service eligibility.
Sa kabila nito, inihayag naman ni Nograles na mayroon ng mahigit 1.7 million na permanenteng posisyon sa mga tanggapan ng gobyerno ang napunan.
Pinunto din ni Nograles na walang kapangyarihan ang CSC na parusahan ang heads ng mga ahensya para punan ang mga bakanteng posisyon.










