-- Advertisements --

Iniulat ng San Juan City Police na naging mapayapa at maayos ang kabuuang pagdiriwang ng Wattah! Wattah! Festival ngayong taon.

Dahil ‘yan sa mahigpit na panuntunan na ipinatupad ng pamahalaang lungsod ng San Juan kung saan mahigit 500 pulis ang ipinakalat kanina sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Nabatid na may mga itinalaga lang na “basaan zone” tulad ng Pinaglabanan Road mula P. Guevarra hanggang N. Domingo Street.

Bukod dito ipinagbabawal rin ang paggamit ng maruming tubig, water bombs, at mga hose na may malakas na pressure.

Hindi rin pinayagan ang pagbubukas ng bintana ng mga dumaraang sasakyan upang buhusan ng tubig ang mga sakay nito.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora ang mga lalabag sa ordinansa ay maaaring pagmultahin ng P5,000 at makulong nang hanggang 10-araw.

Ang Wattah! Wattah! Festival ay taunang ipinagdiriwang bilang paggunita sa kapistahan ni San Juan Bautista, ang patron ng lungsod.

Ang tradisyunal na basaan ay sumisimbolo umano sa paglilinis, panibagong buhay, at pagbibinyag ni Hesukristo sa ilog ng Jordan.

Sa kabila ng mahigpit na mga patakaran, marami pa ring residente ang nakilahok sa kasiyahan. Kabilang dito ang mga lolo at lola, mga pamilya kasama ang kanilang mga alagang hayop, at maging mga persons with disabilities.