-- Advertisements --

Iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi pinapawalang-bisa ng unmodified opinion ng Commission on Audit (COA) para sa 2025 ang mga isyu kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong mga nakaraang taon.

Ayon kay Adiong, nananatiling matibay ang ebidensya ng prosekusyon sa lahat ng articles of impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit at liquidation ng confidential funds.

Paglilinaw ni Adiong, hiwalay ang audit opinion para sa 2025 at hindi nito sinasagot ang mga naunang findings ng COA, kabilang ang panawagang isauli ang mga kuwestiyonableng halaga.

Binigyang-diin din ni Adiong ang mga isyu sa acknowledgement receipts na isinumite ng OVP at ang pangalang “Mary Grace Piattos” na lumitaw sa mga dokumento, na aniya’y dapat malinawan sa pamamagitan ng testimonya at ebidensya sa impeachment trial.

Nakatakdang simulan ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes, July 6.