
LEGAZPI CITY – Ngayon pa lamang ay nagpaalala na ang Commission on Elections (Comelec) na bawal ang pagpapakuha ng larawan sa sinumang kandidato sa panahon ng pangangampanya sa darating na 2022 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Comelec Albay election supervisor Atty. Ma. Aurea Bo-Bunao, isa ang pakikipag-selfie sa mga madalas na dahilan ng paglabag sa social distancing na parte ng health protocols laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Maliban dito, ipinagbawal na rin ng Comelec ang pamimigay ng kandidato ng pagkain o anumang bagay sa mga botante kagaya ng T-shirt, pamaypay, banner at iba pa.
Hindi na rin papayagan ang pagpasok sa mga bahay at pribadong lugar kahit pa may pahintulot ng residente upang maiwasan ang posibleng pagkalat pa ng COVID-19.
Babala ng Comelec, posibleng mapanagot ang sinumang kandidato na lalabag sa mga panuntunang ito na layuning maiwasan na maging “spreader event” ng COVID-19 ang campaign period.















