ILOILO CITY – Susubukang makabawi ng Pinoy Alpine Skier na si Asa Miller sa men’s slalom event sa nagpapatuloy na 2022 Beijing Winter Olympics.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jim Palomar Apelar, presidente ng Philippine Ski and Snowboard Federation, sinabi nito na ang “first run” ng men’s slalom event ay alas-10:15 ngayong umaga at ang second run naman ay gaganapin ala-1:45 mamayang hapon sa Yanqing National Alpine Skiing Centre.
Napag-alaman na hindi natapos ng 21-anyos na si Miller ang kanyang laro noong linggo kasama ang 33 participants dahil bumuhos ang nyebe sa venue.
Ayon kay Palomar, umaasa ang Pinoy Alpine Skier na malalampasan nito ang kanyang 70th place finish sa nakaraang Winter Olympics sa Pyeongchang, Korea noong 2018.