CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang 20-anyos na lalaki matapos nitong pagbantaan ang dating kasintahan na ipapakalat sa internet ang sex videos nito.
Nahuli ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit Region 7 (RACU-7) ang suspek na kinilalalang si alyas “Jack” sa isinagawang entrapment operation kahapon sa Brgy. Tisa, lungsod ng Cebu.
Ayon kay RACU-7 Deputy Chief Police Lt. Col. Artemio Ricabo, nagsumbong sa kanilang tanggapan ang 19-anyos na dalagang si alyas “Rose” matapos na magbanta ang dating nobyo nito na i-upload niya sa internet ang kanilang malalaswang larawan kung tumanggi ito sa pagkikipagtalik.
Dagdag pa ng biktima na hiniling nito na tanggalin ang larawan ngunit tumanggi ang suspek.
Napag-alamang naghiwalay ang dalawa noong Enero nitong taon ngunit hindi matanggap ng lalaki ang kanilang kapalaran kung kaya’t nagpumilit itong makipagbalikan sa babae.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa anti-voyeurism act at grave coercion matapos madakip sa isang matagumpay na entrapment operation.