-- Advertisements --

Kumpyansa ang Department of Agriculture (DA) na magagawa ang itinakdang target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 20.4-million metric ton (MMT) ng aanihing palay ngayong taon.

Sa isang virtual presser, sinabi ni Undersecretary Ariel Cayanan na naabot ng rice industry ang 19.44 MMT ng palay harvest noong 2020 sa kabila ng hinaharap na pagsubok ng agriculture sector.

Ang 19.44 MMT noong nakaraang taon ang pinakamataas na bilang ng inaning palay sa bansa kung saan nalampasan nito ang 19.27 MMT noong 2017.

Bilang parte umano ng kanilang mandato na siguruhin ang food productivity at availability sa bansa ay nagtakda ang DA na mamahagi ng halos dalawang milyong buto ng high-yielding variety ng palay ay halos limang milyong fertilizer bags para sa mga magsasaka.

Ani Cayanan, ilan sa mga ito ay iha-harvest sa una at ikalawang quarter ng taong 2021.

Dagdag pa nito na ginamit ni Agriculture Secretary William Dar ang P8.5 billion sa Rice Resiliency Project (RRP) upang pondohan ang Plant, Plant, Plant Program ng 16 na rice-producing regions sa bansa.

Ipagpapatuloy naman ng DA ang pamimigay ng inbred at hybrid rice seeds na at fertilizers sa mga rainfed at irrigated areas. Bukod pa ito sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Samantala, inaasahan na makakapag-import ng DA ng halos 1.6 MMT ng palay ngayong taon ngunit nakadepende pa rin daw ito kung gaano karami ang bibilhin ng mga pampribadong sktor mula sa ibang bansa.

Ang naturang bilang ay di hamak na mas mababa kumpara sa 2 MMT rice import noong 2020.