-- Advertisements --
MILF

Sumuko na ang dalawa sa umano’y miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot sa nangyaring ambush noong Agosto 12 sa Ungkaya Pukan, Basilan.

Sa isang statement, tinukoy ng Armed Forces of the Philippines Joint Task Force Basilan ang mga sumuko na sina Adzmin H. Manjapal, 20 anyos at Mudzni B. Sapau, 27 anyos.

Ayon pa sa militar, ang dalawa ang pangunahing responsableng mga salarin sa likod ng ambush sa mga tropa ng 64th Infantry Battalion kasama ang mga miyembro ng Joint Peace Security Team at kay Ukngkaya Pukan Vice Mayor Ahmadin Barahim.

Nagresulta sa pagsuko ng dalawa ang pressure sa 114th Base Command ng MILF partikular na sa grupo ni Huram Malangka.

Tumulong sa pagsuko ng dalawang miyembro ng MILF ang mga opisyal mula sa Northwestern Mindanao Front ng MILF, Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), at 114th Base Command.

Kasalukuyang tinatrabaho na ng Joint Task Force Basilan ang mga kaso na isasampa laban sa dalawang miyembro ng MILF.

Nitong nakalipas na Miyerkules nang iturn-over sa Basilan Provincial Police Office sina Manjapal at Sapau.

Kung matatandaan, inambush sa may Basilan ang Bise Alkalde ng Ungkaya Pukan at military escorts. Aabot naman sa 10 hindi natutukoy na salarin ang nagpaputok ng baril na nagbunsod sa security forces na gumanti o makipagpalitan ng putok ng baril na nagresulta sa limang minutong bakbakan.

Ikinasawi naman ito ng isang sundalo habang 7 iba pa ang nagtamo ng sugat kabilang ang isang police officer.