CENTRAL MINDANAO-Awayan sa lupa o rido ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga sugatan na sina Alyas Mokamad,39 anyos at alyas Jay-Ar,22 ,na kapwa naisugod sa pagamutan.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Christopher Panapan na inatake ng tinatayang limampung mga armadong kalalakihan ang kampo ng MNLF sa Camp Ebrahim Sema sa Sitio Tinidtiban Barangay Benolen Datu Odin Sinsuat Maguindanao.
Agad gumanti ng putok ang pwersa ng MNLF na tumagal ng kalahating oras na palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Dahil sa takot ng ilang sibilyan ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.
Humupa lang ang engkwentro nang magresponde ang mga sundalo at pulis.
Walang naiulat na sugatan sa magkabilang panig maliban lamang sa dalawang sibilyan na naipit sa gulo.
Ang kampo na sinalakay ng mga armadong grupo ay pinamumunuan ni MNLF Committee of 15 Chairman at BARMM Labor Ministry Muslimin Sema.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat PNP sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Assir Balindong sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa kampo ng MNLF.