Binigyan na ng 24 oras ang dalawa sa limang PNPA (Philippine National Police Academy) cadets na sangkot sa pagmamaltrato kay 4CL John Desiderio.
Kaugnay nito, nagsampa na rin ng reklamo si Desiderio sa Silang, Cavite-PNP hinggil sa insidente.
Limang PNPA cadets ang tinukoy na nagmaltrato kay 4CL Desiderio at ayon kay PNPA spokesman P/LtC. Byron Allatog, dalawa sa mga ito ang tukoy na ang identity.
Sinabi ni Allatog, hinihintay na nila ang counter affidavit ng mga ito bago sila sampahan ng kasong administratibo.
Kasalukuyang nasa isolation ang mga sangkot na kadete habang hinihintay pa ang magiging resolusyon kaugnay sa kinahaharap nilang kaso.
Sa ngayon, nananatili si Desiderio sa East Avenue Medical Center sa Quezon City at nagpapagaling matapos magreklamo ito ng pananakit ng kaniyang tiyan noong isang linggo.










