Patay sa pananaga at pamamaril ang dalawang pulis, habang sugatan naman ang dalawa pa nilang mga kasamahan sa Purok 4, Barangay Lacson, Calinan District, Davao City.
Sa ulat, reresponde lamang sana ang dalawang nasawing mga pulis na sina Police Chief Master Sergeant Tito Didal Lague, at Police Corporal Mark Anthony Elman Corsino sa naturang lugar nang makatanggap ng ulat na mayroong nagwawalang lalaki na may hawak na bolo na kinilala namang si Benao Landas.
Habang nakikipagnegosasyon ang naturang mga pulis kay Landas para pasukuin ito at pakalmahin na ang sitwasyon ay biglang pinagtataga ng suspek ang kaliwang kamay ng Pcpl Corsino.
Sinubukang dumipensa ni Corsino sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril sa suspek ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pag-atake nito at pananaga sa kaniyang pisngi hanggang sa siya ay mamatay.
Kasunod na inatake suspek at pinagtataga sa ulo si Donald Ombrete na driver ng sinakyang mobile ng naturang pulis.
Bukod sa suspek na si Landas ay mayroong isa pang suspek na dumating sa crime scene at kinuha ang baril ni Corporal Corsino, ang isa pang suspek na ito ay kinilala naman ng mga otoridad na si Rico Masacay na may dala-dala ring bolo.
Pinagbabaril ng naturang mga suspek ang dumating na back-up Police na sina PCMS Tito Didal Lague at Pcpl Ken Leo Diango Gumanoy.
Ginantihan ng dalawang pulis ng putok ng baril ang mga suspek ngunit napuruhan na sila ng mga ito.
Samantala, sa naturang engkwentro ay napatay din ang isa sa mga suspek na si Landas habang nasawi rin si PCMS Lague matapos na mataga rin sa kaniyang ulo.
Nakatakas naman ang suspek na si Rico Masacay ngunit agad din itong naaresto ng mga otoridad sa kanilang ikinasang hot pursuit operation.