CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay matapos tumagilid ang isang trailer truck sa pambansang lansangan na sakop ng Gabut Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Ang truck ay pag-aari ni Nelson Lim Tan, residente ng Purok 4 Dacanay Street, San Fermin Cauayan City at minamaneho ni Raymond Santos, 35, binata, residente ng purok 4 Burgos, Ramon, Isabela kasama ang pahinante na si Mark Anthony Juan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng Dupax Del Sur Police station lumalabas na patungong hilagang direksiyon ang trailer truck at nang makarating sa pakurbadang daan ay nawalan ng kontrol sa manibela si Santos sanhi upang tumagilid ang truck bago bumangga sa concrete barrier.
Kapwa nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Santos at Juan na agad namang dinala sa ospital ng mga tumugon na kasapi ng Dupax Del Sur rescue team subalit idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.