-- Advertisements --
image 98

Dalawang indibidwal ang iniulat na namatay dahil sa epekto ng bagyong Goring at Hanna, ayon yan sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong linggo.

Bineberipika pa ang dalawang nasawi, ngunit isa sa mga nasawi ay mula sa Western Visayas, na namatay matapos tangayin ng tubig baha. Ang isa pang nasawi, na mula sa Cordillera Administrative Region, ay namatay dahil sa landslide.

Sinabi ng NDRRMC na isang tao mula sa Rehiyon 3 ang nasugatan habang isa pang indibidwal, mula rin sa CAR, ang nanatiling nawawala dahil sa mga bagyo, na nagpalakas ng habagat na nagbuhos ng malakas na pag-ulan sa malawak na bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Edgar Posadas, apektado ng masamang panahon ang humigit-kumulang 418,000 katao, kabilang ang 21,000 indibidwal na sumilong sa mga evacuation center.

Kabilang sa mga pinaka-apektadong rehiyon ay ang Cordillera region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa at Western Visayas.

Sinabi rin ni Posadas na mayroong kabuuang 1,065 na pamilya, o 3,884 na indibidwal mula sa Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas, na preemptively evacuated.

Nasa 501 bahay ang napinsala ng mga bagyo at nag-iwan ng hindi bababa sa P130 milyon na pinsala sa imprastraktura, dagdag pa ng NDRRMC.

Samantala tinatayang nasa P421 milyon ang pinsala sa agrikultura sa ngayon.