-- Advertisements --
IVERMECTIN NEWS MEDICAL
IMAGE | Ivermectin drug

MANILA – Nadagdagan pa ng dalawa ang bilang ng mga ospital na pinahihintulutang gumamit ng anti-parasitic drug na ivermectin laban sa COVID-19.

Nitong araw kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na dalawang health facility ang nagawaran ng “compassionate special permit” sa naturang gamot.

Dahil dito, limang ospital na ang pinapayagang gumamit ng ivermectin sa kanilang mga pasyente ng coronavirus.

Una nang sinabi ng FDA na ang pagbibigay ng CSP ay hindi katumbas ng certificate of product registration.

Ibig sabihin, limitado lang ang paggamit ng ivermectin sa loob ng ospital kung saan ito nagawaran ng compassionate special permit, at hindi dapat ibenta sa komunidad.

Kamakailan nang i-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng clinical trials para sa ivermectin.

Ayon sa Department of Science and Technology, sa katapusan ng Mayo posibleng mag-umpisa ang naturang pag-aaral.

Ang ivermectin ay isang anti-parasitic drug o pampurga ng mga hayop.

Sa ngayon ang rehistrado pa lang na human-grade ivermectin sa Pilipinas ay pamahid sa balat at kontra sa kuto.