Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na hinostage at pinatay ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ng kanilang mismong amo sa Beirut, Lebanon noong Abril 15.
Sa isang statement, iniulat ng DMW na ang mga biktima, na parehong matagal nang naninilbihan bilang kasambahay sa isang residence, ay matinding pinagbabaril sa kasagsagan ng hostage incident.
Nadakip naman na ang suspek na employer at kasalukuyang nasa kustodiya na ng local police habang nakabinbin ang pormal na mga kaso.
Kasunod ng insidente, personal na binisita ng DMW officials ang naulilang pamilya ng mga biktima para magpaabot ng pakikiramay at siniguro ang pagbibigay ng buong suporta ng pamahalaan.
Sa ngayon, masusing nakikipagtulungan ang Migrant Workers Office kasama ang Philippine Embassy sa Lebanon, sa mga lokal na awtoriad para sa malalimang imbestigasyon at paghahain ng kaukulang mga kaso laban sa suspek.
Tiniyak naman ng gobyerno ng Pilipinas ang pagkamit ng hustisiya para sa mga biktima at pagbibigay ng patuloy na tulong sa kanilang pamilya kabilang na ang repatriation at access sa mga benepisyo.
















