-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sumuko sa pamahalaan ang dalawang miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) kasama ang apat na matataas na uri ng armas sa Regaay, Hacienda Intal, Baggao, Cagayan.

Ang dalawang dating miyembro ng KRCV ay sumuko sa mga kasapi ng 501st Infantry Brigade, Philippine Army.

Sinabi ng dalawang sumukong rebelde na hindi na nila kinaya pa ang pagtatago sa pwersa ng pamahalaan dahil sa gutom at pagod na kanilang nararanasan.

Sila ay napasama rin sa nagdaang engkwentro sa mga bayan ng Baggao at Gattaran noong nakaraang buwan.

Matapos ang kanilang pagbabalik-loob ay ipinagbigay alam din nila ang kinaroroonan ng isang arm cache na naglalaman ng dalawang bushmaster rifle at dalawang M16 rifle.

Nasa pangangalaga na ng 501st Infantry Brigade ang mga baril para sa kaukulang disposisyon habang tutulungan ang mga sumukong rebelde sa pagproseso ng mga dokumentong kakailanganin para sa kanilang benepisyo sa ilalim ng firearm renumeration ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Nanawagan naman ang mga sumukong rebelde sa kanilang mga dating kasamahan na talikuran na ang armadong pakikibaka dahil sa walang patutunguhan ang kanilang pakikipaglaban sa pamahalaan.

Ayon sa kanila, hindi na nila kailangan pang magtiis ng gutom at pagod dahil may pamahalaan na handa silang tanggapin at tulungan sa pagbabagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.

Samantala, ayon naman sa Provincial Task Force-ELCAC ng Cagayan, gawing pagkakataon ang paggunita sa Mahal na Araw upang makapagnilay-nilay, malayo sa karahasan at makapag-bagong buhay.