-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Militar at Pulisya ang dalawang mataas na opisyal ng New Peoples Army (NPA) na limang taong nagtago sa batas dahil sa kinakaharap na patung patong na kaso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Captain Rigor Pamittan, DPAO chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na nadakip ng mga otoridad sina Evangeline Rapanut alyas Chat o Ines sa Greenwood Heights Subdivision, Paliparan 1, Dasmariñas City, Cavite at Randy Belen Tamayo, communication staff ng National Education Department ( NED) ng ng CPP-NPA-NDF.

Si Rapanut ay may standing warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder kasama ang iba pa niyang kasamahan sa Region 2.

Siya ay dating may katungkulan bilang Kalihim ng Komiteng Rehiyon- Cagayan Valley (KR-CV) at kasalukuyang CPP central committee member, 2nd deputy secretary ng NED sa ilalim ng CPP-NPA-NDF.

Siya ay naging miyembro ng NPA hanggang sa naging full time na miyembro ng NPA at naging opisyal

Siya rin ang itinuturong nasa likod ng mass orientation sa mga kabataan na kabilang sa vulnerable sector para mahikayat na sumampa sa underground organization at maging karagdagang pwersa o kadre ng Komiteng Probinsiya sa Batangas sa ilalim ng Southern Tagalog Regional Party Committee maliban pa sa Cavite at Central Quezon.

Narekober ng mga militar at pulisya sa lugar ang isang M16 Blackwater bushmaster assault rifle , isang magazine na may 18 rounds ng 5.56mm ammunition, isang 9mm Armscor pistol , isang magazine assembly ng 9mm na may anim na rounds ng bala, isang hand grenade,apat na detonating cords, isang blasting cap, isang Kingston USB flash drive with 8Gb memory, at ibat ibang cellular phones.