Nanlaban umano ang dalawang miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG) na napatay ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa bahagi ng Carlos Garcia Avenue Extension, Paranaque City.
Ayon kay PNP-AKG director B/Gen. Jonnel Estomo, nagsagawa ng police operations ang mga pulis sa lugar nitong nakalipas na Biyernes ng gabi alinsunod sa impormasyon na may mga kidnapper na umaaligid sa lugar at target dukutin ang isang mayamang negosyante.
Pero dahil sa pagiging alerto ng mga pulis, napigilan nila ang planong panibagong pagdukot ng grupo.
Sinabi ni Estomo, natunugan ng mga suspek na hinahabol sila ng mga operatiba kaya tumakas ang mga ito at pinaputukan ang sasakyan ng mga operatiba.
Pero na-corner ang dalawang suspek sa checkpoint operation kung saan sila hinikayat na sumuko ngunit nagpaputok pa rin.
Sa pag-retaliate ng mga pulis, napatay sa labanan ang isang Jobert Ganares habang ang isa nitong kasamahan ay isinugod pa sa ospital subalit ideniklarang dead on arrival ng attending physician.
Batay sa record ng PNP-AKG, ang suspek na si Ganares ay itinalagang “spotter” at security nang dukutin ng grupo ang isang James Elijah Yap noong December 31, 2020 sa Quezon City.










