Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang investment scammers na nahuli sa Lipa, Batangas.
Ang mga suspek na sina Yron Recodo at Katrina Oloteo ay dinala sa NBI para sa standard booking procedures at isinalang na sa inquest proceedings sa Lipa Prosecutor’s Office, Batangas.
Ito ay dahil sa paglabag ng mga ito sa R.A. 8799 o Securities Regulation Code.
Kasunod nito, ipinag-utos na rin ni NBI- Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor na magsagawa ng imbestigasyon ang kanilang mga tauhan para sa lahat ng online cyber related fraud.
Kabilang na rito ang pagpapakalat ng online investment schemes.
Sinabi ni Director Distor ang ang grupong Nirvana na kinasasangkutan ng mga suspek ay kabilang sa mga subjects ng monitoring at cyber surveillance efforts ng NBI-Special Task Force (STF).
Sa pamamagitan naman ng tuloy-tuloy na monitoring, nadiskubre raw na ang Nirvana ay project na pag-aari at ino-operate ng Arcadia at matatagpuan ang opisina nito sa RDC Plaza, Ayala Highway, Barangay Balintawak, Lipa, Batangas.
Nagawa umanong makapag-set ang NBI-STF agents ng meeting sa subject na si Recodo at agad nagsagawa ng entrapment operation ang operatiba.