-- Advertisements --

Nakuhanan ng video ang pagpatay ng mga sundalo ng Israel sa 2 hindi armadong Palestinong lalaki malapit sa isang dagat sa Gaza strip.

Makikita sa video na paulit-ulit na iwinawagayway ng isang lalaki ang piraso ng puting tela na simbolo ng pagsuko nito bago binaril ang mga ito ng mga sundalo ng Israel at inilibing pa sa marahas na paraan gamit ang bulldozer.

Mariing kinondena naman ng Hamas ang pagpapatay sa 2 Palestino at sinabing patunay ito ng malawak na pasismo at kriminalidad laban sa mga Palestino.

Umapela din ang Hamas sa UN at sa International Criminal Court na gumawa ng agarang aksiyon para matigil na ang sistematikong pagpatay sa kanilang mamamayan at panagutin ang mga war criminal na responsable sa mga krimen laban sa mga walang kalaban-laban na mga sibilyan.

Nasa 9 na katao naman ang napatay sa hiwalay na airstrike ng Israel sa timog ng Lebanon sa gitna ng patuloy na umiigting na tensiyon laban sa Hezbollah na kaalyado ng Hamas.

Samantala, umaabot na sa 32,490 Palestino ang napatay at 74,889 naman ang nasugatan sa pag-atake ng Israeli forces sa Gaza simula noong sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre 7 ng nakalipas na taon.

Ang death toll naman sa parte ng Israel dahil sa pag-atake ng Hamas ay umaabot sa 1,139 habang dose-dosena naman ang bihag ngayon ng militanteng grupo.