-- Advertisements --

Pinalaya na ang dalawang Filipino green card holders mula sa U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) custody ngayong linggo, kasunod ng kautusan mula sa isang immigration judge sa Northwest Detention Center.

Ayon sa pahayag ng Tanggol Migrante Network, pinalaya si Michelle, isang ina na may tatlong anak, noong Miyerkules at isa pa aniyang detainee na Filipino-Japanese na kapwa mayroon ding green card holder mula sa Alaska ang pinalaya rin na hindi naman pinangalanan ng grupo.

Ibinunyag ng National Alliance for Filipino Concerns na si Michelle ay naging biktima ng domestic violence at nakaranas ng inhuman treatment sa loob ng pasilidad, kabilang ang pagkakaposas ng kanyang mga kamay at paa, hindi maayos na pagkain, at kawalan ng gamot para sa kanyang tumor sa likod ng kanyang ng ulo.

Ayon kay Michelle, ang kanyang pagkakaaresto noong Pebrero sa San Francisco International Airport at pananatili sa detention center ay nagdulot sa kanya ng matinding stress at trauma, lalo’t iniisip niya ang kanyang mga anak na umaasa sa kanya.

Ang kanyang paglaya ay kasabay ng nationwide day of action noong Abril 30, na inilunsad ng Tanggol Migrante bilang panawagan sa suporta ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Filipino na nakakulong pa rin sa ICE facilities sa Estados Unidos.

Samantala, inakusahan ng grupo ang Philippine consulates sa Amerika ng pagbaliwala sa kanila, sa kabila ng mga panawagan ng tulong mula sa komunidad.

Ayon sa Tanggol Migrante, ang paglaya ni Michelle ay nagsisilbing inspirasyon sa patuloy nilang laban para sa kalayaan at karapatan ng mga Pilipinong migrants, lalo na ang mga dumaranas ng pang-aabuso at kawalan ng legal na proteksyon sa ilalim ng umiiral na immigration policies ni US President Donald Trump.