-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nakubkob ng militar ang pagawaan ng bomba at dalawang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 57th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edwin Alburo sa Brgy Dasawao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao ay nakasagupa nito ang mga armadong Dawlah Islamiya ng BIFF.

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Umatras ang mga rebelde nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 81 mm mortars.

Nakubkob ng mga sundalo ang pagawaan ng bomba ng BIFF kung saan narekober nila ang mga Improvised Explosive Device (IEDs) mga sangkap sa paggawa ng bomba,mga bala at mga personal na kagamitan ng mga terorista.

Kinumpirma din ng mga sibilyan na dalawa sa BIFF ang nasawi at tatlo ang nasugatan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng militar laban sa BIFF sa Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.