Tutol ang ilang alkalde sa Batangas sa reopening ng face-to-face classes sa mga paaralan sa susunod na buwan.
Bagama’t isa lamang ang COVID-19 patient sa bayan ng Cuenca sa Batangas, sinabi ni Mayor Faye Baretto na mas mainam pa rin ang mag-ingat at ipagpatuloy na lamang ang umiiral na blended-learning system.
Hindi kasi aniya maiiwasan na hindi ma-control ang mga estudyante sa physical distancing sa oras na matuloy man ang face-to-face classes sa susunod na buwan.
Kung mga matatanda nga ay mahirap na kontrolin paano pa kaya aniya sa mga bata na may kalikutan at gustong makipaglaro sa mga kaklase.
Kung si Agoncillo Mayor Daniel Reyes naman ang tatanungin, mas mainam kung huwag daw muna ituloy sa susunod na buwan ang physical classes.
Ito ay kahit pa wala namang naitatalang COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Nauna nang pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang paaralan sa bansa na simulan na ang paghahanda para sa reopening ng face-to-face classes sa Enero, basta nanatiling mababa ang COVID-19 transmission sa mga lugar na ito.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, aabot sa 1,114 paaralan ang nominated na lumahok sa “dry run” ng physical classes sa susunod na buwan.