Muling nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamababang kaso ng COVID-19 sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa pinakahuling datos, nakapagtala ang kagawaran ng 184 na mga bagong kaso ng COVID-19 na magdadala naman sa kabuuang 3,685,403 na mga kasong naitala sa buong bansa.
Makikita dito na pumatak na sa 8,389 mula sa dating 9,585 na bilang ng mga aktibong kaso ng nasabing virus ang napaulat.
Ayon sa DOH, nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa may pinakamaraming kaso na may 1,020 na bilang, na sinundan naman ng Region IV-A na may 391, at Region III na may 231.
Sa ngayon ay nasa 3,616,709 na rin ang bilang ng mga pasyenyteng gumagaling mula sa naturang sakit, habang nasa 60,305 ang bilang ng mga nasawi sa bansa.
Samantala, patuloy naman ang pagbaba ng bed occupancy rate sa Pilipinas kung saan nakapagtala ng 16.4% na occupancy rate na may katumbas na 5,217 na mga okupadong higaan mula sa dating 16.8%, habang nasa 26,688 naman ang mga bakante.