Patay ang 18 katao na dumalo sa isang libong sa northern India matapos na bumagsak ang bubong ng sinisilungan ng mga ito sa kasagsagan nang malakas na pag-ulan nitong araw.
Ayon kay divisional commissioner Anita Meshram, nasa 40 katao ang nagsisilong sa isang crematorium sa distrito ng Ghaziabad nang gumuho ito.
Gumamit ng sniffer dogs ang mga rescuers para hanapin ang mga survivors, na kaagad namang isinugod sa pinakamalapit na ospital, kung saan ilan sa mga ito ay nasa kritikal na kondisyon.
Sa ngayon, tapos na ang naturang rescue operation.
Hindi naman kaagad naging malinaw sa mga awtoridad kung ano ang dahilan nang pagbagsak ng bubong ng sinisilungan ng mga biktima.
Sinabi ni Meshram na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyaring insidente para malaman din kung sino ang responsable at dapat na managot dito.
Ilan sa mga tinitingnan aniya nilang posibleng may pananagutan sa insidente ay ang nagtayo ng bumagsak na bubong, mga opisyal ng pamahalaan, o mga empleyado ng municipal council. (Reuters)